Ang ating kidney ay mayroong dalawang mahalagang tungkulin: (1) mailabas ang mga toxin o lason sa ating katawan at (2) mapanatiling balanse ang tubig, mineral, at kemikal katulad ng mga asin sa dugo.
Estruktura ng Kidney
Ang ating mga bato ay gumagawa ng ihi upang alisin ang mga lason at sobrang tubig sa katawan. Mula sa kidney, ito ay dumaraan sa tubo na daluyan ng ihi (ureter) patungo sa pantog (bladder) na nagsisilbing imbakan. Mula sa pantog, ang ihi ay dumaraan sa isa pang daluyan (urethra) bago ito tuluyang lumabas sa katawan.
- Halos lahat ng tao (lalaki o babae) ay may (2) dalawang kidney.
- Ang mga kidney ay matatagpuan sa ilalim ng pinakamababang tadyang, gilid ng gulugod.
- Kalimitang mahirap makapa ang mga kidney dahil nasa bandang kailaliman siya ng tiyan.
- Ang mga kidney ay hugis patani. Sa matatanda, ito ay may habang 10cm, lapad na 6 cm, at kapal na 4cm. Bawat bato ay may timbang na 150-170 grams.
- Ang ihi ay nanggagaling sa bato, dumadaloy papuntang pantog sa pamamagitan ng ureter. Bawat ureter ay may habang 25cm at isang tubo na gawa sa espesyal na kalamnan.
- Ang pantog ay isang organ na walang laman na gawa sa kalamnan na matatagpuan sa harap at bandang baba na bahagi ng tiyan. Ito ay nagsisilbing imbakan ng ihi. Ito ay may kapasidad na mag-imbak ng
- 400-500 mL ng ihi. Kapag ito ay malapit ng mapuno, makararamdam ng pagnanais umihi.
- Ang ihi mula sa pantog ay inilalabas sa urethra habang umiihi.
Bakit mahalaga ang mga bato sa ating kalusugan?
Tayo ay kumakain ng iba’t ibang uri at at dami ng pagkain arawaraw. Ang dami ng tubig, asin, at asido sa ating katawan ay nagiiba rin araw-araw. Ang tuloy-tuloy na proseso ng paggawa ng enerhiya mula sa pagkain ay nagdudulot din ng lason o toxin na nakasasamâ sa katawan. Ang bawat kidney ay mayroong kakayahan na maglabas ng lason o toxin. Kasabay nito ang pagsasaayos at pagtimpla ng tamang balanse at antas o dami ng tubig, asido, at asin
Ano ang tungkulin ng mga kidney?
Ang pangunahing tungkulin ng bato ay gumawa ng ihi at maglinis ng dugo. Ang bawat bato ay nag-aalis ng maruming sangkap (toxin o lason) at mga kemikal na hindi kailangan ng katawan.
1. Pagtanggal ng toxin o lason
Ang pagsasala ng dugo sa pamamagitan ng pagtanggal ng toxin o lason ay mahalagang tungkulin ng mga kidney.
Ang ating mga pagkain ay mayroong protina na kailangan para sa paglaki at pangangalaga ng katawan. Ngunit habang ginagamit ang protina sa katawan, ito rin ay gumagawa ng lason o toxin. Ang pag-ipon o pag-imbak nito ay katumbas din ng lason sa loob ng katawan. Ang bawat bato ay sumasala ng dugo at ang lason ay inilalabas sa ihi.
Ang creatinine at urea ay mahahalagang lason na maaaring sukatin sa dugo. Ang resulta na makukuha sa pag-eksamen ng dugo ay nagpapakita kung gaano kahusay ang tungkulin ng mga kidney. Kapag nasira ang bato, ang antas ng creatinine at urea ay tumataas at ito ay makikita sa resulta ng eksaminasyon ng dugo.
2. Pagtanggal ng sobrang tubig
Ang ikalawang mahalagang tungkulin ng kidney ay ang pagsasaayos ng balanse ng tubig sa katawan. ng pagtanggal ng sobrang dami ng tubig sa pamamagitan ng ihi, habang itinitira yaong sapat na dami ng tubig sa katawan na kailangan upang mabuhay.
Kapag ang kidney ay nasira, nawawala ang kakayahan niyang magtanggal ng sobrang tubig. Nauuwi ito sa pamamanas ng katawan.
3. Tamang balanse ng mineral at kemikal
Isa rin sa mahalagang tungkulin ng kidney ay ang pagsasaayos ng mineral at kemikal, katulad ng sodium, potassium, hydrogen, calcium, phosphorus, magnesium, at bicarbonate at panatilihing normal ang komposisyon ng tubig ng katawan.
Ang mga pagbabago sa antas ng sodium sa katawan ay maaaring makaapekto sa pag-iisip samantalang ang pagbabago sa potassium naman ay makaapekto sa pagtibok ng puso at ng kalamnan. Ang pagpapanatiling normal na antas ng calcium at phosphorus ay mahalaga rin upang magkaroon ng malusog na buto at ngipin.
4. Kontrol ng presyon ng dugo
Ang ating mga bato ay nakagagawa rin ng iba’t ibang sustansiya o hormones (renin, angiotensin, aldosterone, prostaglandin, atbp) na tumutulong sa pag-aayos ng tubig at asin sa loob ng katawan, at sa pagkontrol ng presyon. Kapag nagkaroon ng pagbabago sa paggawa ng hormones at pag-aayos ng asin at tubig sa katawan ng isang pasyente na mayroong karamdaman sa bato (kidney failure) ito ay nagdudulot ng pagtaas ng presyon ng dugo.
5. Paggawa ng pulang dugo (RBC)
Ang erythropoietin ay isa ring sustansiya o hormone na ginagawa sa mga kidney. Ito ay may mahalagang tungkulin sa paggawa ng pulang dugo. Kapag ang pasyente ay mayroong kidney failure, humihina ang paggawa ng erythropoietin kaya bumababa ang paggawa ng pulang dugo at nauuwi sa mababang hemoglobin (anemia). Ito ang dahilan kung kaya’t karaniwan sa mga pasyenteng mayroong kidney failure ay hindi sapat ang iron at bitamina para pataasin ang hemoglobin.
6. Para mapanatiling malusog ang buto
Tumutulong ang mga bato upang maging aktibo ang Vit D na kailangan para ma-absorb ang calcium mula sa pagkain, at para mapanatiliang kalusugan ng mga buto at ngipin. Sa kidney failure, mababa ang level ng aktibong Vit D kaya mabagal ang paglaki at humihina ang mga buto. Sa mga bata, ito ay nagiging sanhi ng growth retardation.
Paano nasasala ang dugo at paano ginagawa ang ihi?
Sa proseso ng pagsasala ng dugo, iniiwan ng mga kidney ang mga kinakailangang sustansiya sa dugo at pinipili niyang alisin ang sobrang tubig, asin, at dumi o waste products ng katawan.
Mga komplikadong proseso ng paggawa ng ihi na importanteng maintindihan:
- Alam mo ba na sa loob ng (1) isang minuto, 1200 mL ng dugo ang dumadaan sa kidney para salain, at ito ay 20% ng buong dugo na nagmumula sa puso? Ibig sabihin, sa loob ng isang araw, 1700 litro ng dugo ang nasasala.
- Ang proseso ng pagsasala ay nangyayari sa maliliit na pansala na kung tawagin ay nephrons.
- Bawat kidney ay mayroong isang milyong nephrons at bawat nephron ay mayroong glomerulus at tubules.
- Ang mga glomeruli ay estruktura sa nephron na binubuo ng maliliit na butas na may kakayahan sa pagsala ng dugo. Ang tubig at ang mga dumi sa katawan ay madaling masasala sa mga ito. Ngunit ang malalaking estruktura tulad ng red blood cell, white blood cell, platelets, protina, at iba pa, ay hindi makadaraan sa mga butas na ito. Kaya ang cells na ito ay hindi normal na nakikita sa ihi ng mga táong malusog ang mga bato.
- Ang unang hakbang sa paggawa ng ihi ay nangyayari sa glomeruli na 125 mL ng ihi bawat minuto ay nasasala. Nakagugulat na sa loob ng isang araw, 180 litro ng ihi ang nagagawa. Hindi lang dumi, asin, at lason o toxin ang laman nito kundi pati glucose at iba pang mahahalagang sangkap.
- Ang bawat kidney ay gumagawa ng reabsorption o pagbabalik ng mga sangkap na kailangan mula sa ihi papunta sa dugo. Mula sa 180 litro ng tubig na dumaraan sa tubules, 99% nito ang piling-piling naibabalik at 1% ng tubig ang inilalabas na nagiging ihi.
- Dahil sa prosesong ito, lahat ng mahahalagang sangkap at 178 litro ng tubig ay naibabalik sa dugo, samantalang 1-2
- litrong tubig at dumi ay nailalabas.
- litrong tubig at dumi ay nailalabas.
Mayroon bang pagkakaiba ang dami ng ihi sa isang tao na mayroong malusog na kidney?
- Oo. Ang dami ng tubig na iniinom at ang temperatura ng kapaligiran ay mga pangunahing sanhi na nakapagsasabi ng dami ng ihi na kayang gawin ng isang normal na tao sa isang araw.
- Kapag kaunti ang iniinom, ang ihi ay matingkad na dilaw at kakaunti din (500 ml); ngunit kapag marami ang iniinom na tubig, ang ihi ay mapusyaw na dilaw at mas marami.
- Tuwing tag-init, mas mabilis pagpawisan, ang dami ng ihi ay nababawasan. Tuwing tag-lamig, kabaligtaran ang nangyayari – mababa ang temperatura, walang pawis, at marami ang ihi.
- Sa isang tao na may normal na pag-inom ng tubig, kung ang dami ng ng ihi ay kaunti (500 ml), o di kaya ay higit na marami sa 3000 ml, ito ay maaaring maging indikasyon na kailangang bantayan ang bato at kailangan ng masusing imbestigasyon.